Hindi magsasagawa ng kahit na anong kaukulang aksyon ang Commission on Election (Comelec) hinggil sa umano’y cash distribution incident ni presidential candidate Bongbong Marcos sa kanyang ginanap na campaign rally sa Nueva Ecija.
Ito ay maliban na lamang kung may matanggap o maghain ng pormal na reklamo ang komisyon ukol dito.
Ayon kay Commissioner George Garcia, na sa halip na magsagawa ng motu proprio investigation ay nagkasundo na lamang aniya ang en banc na maghintay na lamang ng pormal na reklamo kaugnay sa pamimigay umano ng pera ng naturang kandidato bago ito magsagawa ng mga kaukulang aksyon.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang pagbibigay, pag-aalok, o pangangako ng pera o anumang bagay na may halaga para mahikayat ang sinuman o ang publiko sa pangkalahatan na bumoto o lumaban sa sinumang kandidato o pigilan ang kanyang boto sa halalan ay mahigpit na ipinagbabawal.
Magugunita na kamakailan lang ay kumalat sa buong social media ang isang video na nagpapakita na inaabutan ng mga sobre na naglalaman ng P500 ang mga indibidwal na dumalo sa campaign rally ni Marcos.
Mariin naman itong itinanggi ng kampo ni Marcos at sinabing wala silang alam ukol dito at titignan nila ito.