Binigyang diin ng Commission on Elections na hindi nila ididiskwalipika bilang nuisance candidate ang isang indibidwal dahil lang sa mahirap ito.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia, walang property qualification para humawak ng public office.
Gayunman, aminado si Garcia na maaari pa rin itong mag-ambag sa kanilang desisyon, ngunit hindi nito madedetermina ang kanilang magiging pagpapasya.
Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos maghayag ng pagkadismaya ang ilang senatorial aspirant sa unang araw ng filing ng COC nitong Martes dahil sa pagdeklara sa kanila bilang nuisance candidate noong nakalipas na halalan.
Inamin naman ng poll body chief na humaharap ang Comelec sa maraming complaint sa Korte Suprema mula sa mga kandidatong nagreklamo na iniuri bilang panggulo o nuisance.
Paliwanag naman ni Garcia na base sa nagdaang ruling ng korte, nagbigay na ito ng gabay sa Comelec kung paano nila ipoproseso ang mga maghahain ng kandidatura ngayong taon.
Aniya, ang mga kandidatong na-tag bilang nuisance ay ipapatawag at bibigyan ng pagkakataong magpaliwanag kung bakit hindi sila nuisance candidate.