Hinimok ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia ang mga botante na maging vigilante laban sa kwestyonableng personalidad na tatakbo sa 2025 midterm elections
Hinikayat din ng opisyal ang mga botante na agad na maghain ng disqualification case laban sa hindi karapat dapat na kandidato sa kasagsagan ng filing para maitama ito ng komisyon o di naman ay cancellation ng kandidatura.
Sa oras kasi na matapos ang period ng paghahain ng kandidatura, wala ng hurisdiksiyon ang Comelec.
Samantala, hindi naman sang-ayon ang Comelec chairman sa ideya na bigyan ng discretionary powers ang poll body para aprubahan o tanggihan ang COC applicant.
Ang pahayag na ito ng comelec official ay kasunod na rin ng kontrobersiyang bumalot kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa kwestyonableng nasyonalidad nito at posibleng Chinese asset matapos na madawit ang kaniyang pangalan sa isang POGO firm.
Una na naman ng ipinaliwanag ng Comelec na walang humamon o kumwestyon sa kandidatura ni Guo noong tumakbo ito noong 2022 elections na naging tulay para maging alkalde ito ng Bamban.
Samantala, naisumite na ng poll body sa Office of the Solicitor General (OSG) ang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Bamban Mayor Alice Guo kasama ang kaniyang Certificate of Candidacy, at kaniyang voter’s registration records.