-- Advertisements --
image 562

Hinikayat ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang mahigit 43,000 registered voters ng Barangay Muzon, San Jose del Monte, Bulacan na makibahagi sa plebesitong isasagawa doon sa Marso 25.

Layon ng naturang plebesit na magdesisyon ang mga residente kung payag silang mahati sa apat ang mother barangay.

Sinabi ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, handa na raw ang poll body na magsagawa ng plebesito na lilikha ng Barangay Muzon Proper, Barangay Muzon East, Barangay Muzon West at Barangay Muzon South.

Kaya naman umaasa ang komisyon na makikibahagi dito ang lahat ng mga reisto ng Barangay Muzon.

Umaasa rin umano ang komisyon na magkakaroon ng parehong bilang ng voter turnout gaya ng mga nagdaang plebesito lalo na sa Marawi noong nakaraang linggo.

Ang Barangay Muzon ay mayroong kabuuang 43,771 registered voters.

Sinabi ni Laudiangco na ang voting period ay mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon sa apat na polling centers.

Kinabibilagan ito ng San Jose Heights Elementary School, Pabahay Elementary School, Benito Nieto Elementary School at Muzon High School.

Sa kanyang bahagi, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na inaasahan daw nila ang 80 percent voter turnout sa electoral activity sa Sabado.

Kasabay nito, inimbitahan din ng poll body chief ang mga registered voters sa Barangay Muzon na maki-participate sa plebesito.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni Comelec Executive Director Teopisto Elnas na ang final Command Conference para sa plebesito ay isasagawa ngayong araw.