Hinikayat ng Commission on Elections ang mga mahihirap na kandidato na palakasin ang presensya nito sa social media upang makilala ng mga botante.
Ayon sa komisyon, sa ganitong paraan rin ay maibabahagi nila ang kanilang mga programa at plano sakaling palarin sa 2025 midterm elections.
Batay sa datos ng poll body, aabot sa mahigit 7.4 milyong indibidwal ang nagparehistro bilang mga botante simula nang simulan ang voter’s registration hanggang sa pagtatapos nito.
Pumalo sa kabuuang 7,427,354 na aplikasyon ang matagumpay na naiproseso ng komisyon mula Pebrero 12 hanggang September 30.
Hindi pa dito kabilang ang datos mula sa lalawigan ng Batanes dahil pinalawig ng komisyon ang deadline ng pagpapatala sa lugar matapos tumama ang supertyphoon Julian.
Sa datos, nangunguna pa rin ang Calabarzon na umabot sa 1.2 milyon, NCR na halos isang milyong nagpatala, Central Luzon na pumalo sa mahigit 834,000.
Pinakamaliit naman ang bilang ng nagparehistro sa Cordillera Administrative Region na umabot lamang sa 111,410.