-- Advertisements --

Buo umanong isusumite ng Commission on Elections (COMELEC) sa anumang investigating body ang mga kailangang dokumento kaugnay ng mga sablay na naitala sa nakaraang midterm elections.

Ito ang sinabi ni Comelec Chairman Sheriff Abas, makaraang makapagdaos na ng proklamasyon sa national candidates at majority ng local officials.

Iginiit ni Abas na pinaninindigan nilang malinis ang proseso ng halalan at walang dayaang nangyari sa bilangan.

Pero aminado itong maraming reported vote buying at glitches sa machine, SD (secure digital) cards at mga isyu sa balota.

Pero nakiusap ito sa mga mag-iimbestiga na hayaan muna silang magpahinga ng kaunti dahil ilang gabi ring puyat at pagod sa mga nakalipas na araw ng canvassing ang mga opisyal ng poll body.