Idaraos ng Commission on Elections (Comelec) ang susunod na round ng bidding para sa automated elections system (AES) na gagamitin para sa 2025 midterm polls sa Enero 4 sa susunod na taon.
Ayon sa schedule ng Special Bids and Awards Committee ng Comelec, alas-9 ng umaga ang deadline ng pagsusumite ng bid at alas-10:30 ng umaga ang pagbubukas ng bid.
Samantala, isang pre-bid conference ang magaganap sa susunod na linggo o sa Disyembre 22.
Matatandaan na idinekla kasi ng Comelec na “ineligible” ang Miru Systems Co. Ltd. na nakabase sa South Korea, ang nag-iisang bidder para sa proyekto ng AES, matapos itong mabigong ganap na sumunod sa mga legal requirements para mag-bid.
Nauna nang diniskwalipika ng poll body ang longtime poll technology na Smartmatic mula sa paglahok sa mga darating na halalan dahil sa umano’y panunuhol noong 2016 na kinasasangkutan ng kompanya at dating Comelec chief na si Andres Bautista.