Iginiit ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na mabilis nilang inaksiyunan ang mga disqualification cases na inihain laban kay Presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang naging tugon ni acting Comelec spokesman Rex Laudiangco kaugnay ng naging pahayag ng Asian Network for Free Elections’ (ANFREL) na nagpapahayag nang pagkadismaya sa pagkakaantala raw ng desisyon sa mga inihaing reklamo laban kay Marcos.
Depensa ni Laudiangco, marami raw kasing mga petisyon na inihain na siyang naging dahilan kung bakit natagalan din ang pagresolba sa mga ito.
Aniya, apat na kaso raw kasi ang tinalakay ng Comelec en banc kaya hindi raw talaga asahang mabilis itong maresolba.
Isa rin umano sa mga rason ay ang period ng paghahain ng disqualification case sa ilalim ng Comelec rules.
Maihahain lamang daw kasi ito ng ilang araw mula nang magsimula ang filing ng certificate of candidacy.
At ang mga araw daw na ito ay naitaon din sa paghahanda ng Comelec sa halalan.
Ipinaliwanag ni Laudiangco na kailangan ng komisyon na magsagawa ng pagdinig,mabibigyan din ng oras para magsumite ng kanilang position papers at memoranda.
Sa statement ng ANFREL, kinuwestiyon ng mga ito ang timing ng paglalabas ng desisyon sa disqualification cases laban sa dating senador.
Kung maalala, noong Martes o isang araw matapos ang halalan ay naglabas ang komisyon ng desisyon sa apat na mosyon na nais baliktarin ang desisyon ng en banc para hindi makatakbo sa halalan si Marcos.
Kahapon naman nang maglabas ang poll body ng desisyon na nagbabasura sa mosyon na nais ipadeklara si Marcos na nuisance candidate.
Puwede naman daw iapela ang desisyon sa Korte Suprema.