-- Advertisements --

(Update) LEGAZPI CITY – Aminado ang Commission on Elections (COMELEC) sa Legazpi City na labis ang pagkabigla at kalungkutan nila sa pagkamatay ng isang tumatakbong city councilor sa lungsod.

Una nang kinilala ang biktima na si Ret. P/Col. Ramiro Bausa na tumatakbo bilang independent candidate at binaril habang nasa Barangay Cagbacong na liblib nang lugar sa Legazpi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay City Election Officer Atty. Ednaline Reperesa, hinihintay lamang ng tanggapan ang magiging resulta ng imbestigasyon para matukoy ang magiging susunod na hakbang.

Sa tagal na rin aniyang pagiging mapayapa ng halalan at hindi gaanong mainit na kompetisyon sa lungsod, hindi dapat na madaliin ang pagdedesisyon sa ilang bagay ayon kay Atty. Reperesa.

Dahil sa pagiging independent candidate, hindi naman applicable sa kaso ni Bausa ang substitution.

Samanta, tuloy-tuloy naman umano ang preparasyon ng COMELEC para sa nalalapit na May midterm polls habang hinhintay na lang ang delivery ng mga gagamiting paraphernalia.