Ikinadismaya ng Commission on Elections (Comelec) ang maraming violator sa pagsisimula ng gun ban.
Unang sinimulan ang implementasyon nito nooong hatinggabi ng Enero 12, 2025 kung saan mula noon ay umabot na sa 80 ang nahuling violator sa buong bansa.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, nakakalungkot na maraming mga pasaway na Pilipino sa kabila pa ng malawakang information drive sa buong bansa.
Kabilang sa mga ibinabala sa malawakang information campaign ay ang kasong maaari nilang kaharapin tulad ng election offense, pagkakansela sa kanilang lisensya, at ang pagkakakulong ng ilang taon.
Patuloy namang umaapela ang opisyal sa publiko na intindihin ang mga checkpoint na inilalatag nationwide dahil ito ay bahagi ng pagtiyak upang maging mapayapa ang halalan sa kabuuan.