-- Advertisements --

Ipinahayag ng Commission on Elections na ibebenta na nila ang mga hindi na napapakinabangan na mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines at iba pang mga gamit na ginamit sa mga nakaraang eleksyon.

Ayon sa memorandum na nilabas ng komisyon, tinanggap ng COMELEC En Banc ang naging rekomendasyon ng COMELEC Disposal Committee (CDC) na ibenta na ang mga hindi na nagagamit na Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines, plastic bins with covers, ballots boxes, at plastic pallets na sa kasalukuyan ay nasa warehouse sa Manila, Las PiƱas, at Sta. Rosa, Laguna.

Inirekomenda ng komite na ibenta sa Microsphere System Technology sa halagang P12.26 million ang mga naturang makina. Samantala, sa RHT Storage Center naman ibebenta ang mga PCOS/VCM plastic bins with covers, yellow metal ballot boxes, at plastic pallets sa halagang P202,800.

Iminungkahi rin ng komisyon na agaran ng kunin ng mga bidders ang mga naturang kagamitan sa mga warehouse pagkatapos makumpleto ang bayad sa komisyon.