VIGAN CITY – Nahihirapan umano ang Commission on Election (Comelec) sa pagsasagawa ng “Oplan Baklas” dahil sa kulang ang kanilang manpower.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na kung ang bilang lamang ng mga local officials ang kanilang aasahan ay talaga umanong mahihirapan sila sa pagbabaklas ng mga nagkalat na illegal campaign posters sa iba’t ibang panig ng bansa.
Dahil dito, malaking tulong umano sa kanila ang sakripisyo ng kanilang mga deputies na kinabibilangan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), lalo na sa National Capital Region (NCR).
Aniya, mabilis umano ang kilos ng kanilang mga deputies at tuloy-tuloy din ang pagrereport ng mga ito sa kanila hinggil sa kanilang pagbabaklas sa mga nagkalat na illegal campaign posters na siyang ipinagpapasalamat ng ahensya.
Samantala, sinabi naman ni Jimenez na maaaring baklasin ng mga local government unit ang mga campaign posters na sa tingin nila ay may paglabag sa kanilang mga existing ordinance, maliban pa sa Comelec rules hinggil dito.
Dagdag nito na kahit sino ay maaaring magbaklas ng mga campaign posters na wala sa designated poster area at hindi tama ang sukat ngunit kinakailangan muna itong ipaalam sa kanila nang sa gayon ay maidokumento nila upang magamit na ebidensiya sa mga case build-up na kanilang isinasagawa laban sa mga pasaway na pulitiko.