Nilinaw ng Comelec na wala pa silang nabubuong pinal na polisiya ukol sa pag-ban ng artificial intelligence (AI) at deep fake materials.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kinikilala rin naman ng komisyon ang modernisasyon lalo na pagdating sa mga teknolohiya.
Ang artificial intelligence na gagamitin sa pagsusulat ng talumpati, jingle at mga simpleng material ay maaari pa ring talakayin dahil hindi naman ito nakakapinsala ng kridibilidad ng halalan.
Sa ngayon, ang malinaw na bawal ay ang deep fake videos na pinagmumukhang ito ang kilalang personalidad na magsasalita ng mga lihis na bagay upang iligaw ang paniniwala ng mga mamamayan.
Naniniwala kasi si Garcia na ang paggamit ng ganitong mga paraan ay posibleng makaapekto at magdulot ng kalituhan sa mga botante.
Nangako si Garcia na pag-aaralan pa nila ng mas malalim ang isyung ito at maglalabas ng mga panuntunan bago pa man ang election period.
Ang mahalaga umano ay inumpisahan na ang diskusyon at pagbibigay ng iba’t ibang mga komento at suhestyon para sa kaniyang panukala.
Mayroon na aniya siyang nakausap na mga IT experts at bukas ang mga ito na imbitahan ang mga tauhan ng DICT para magbigay ng panig hinggil sa usapin.