Sa kabila ng patuloy na banta at aktibidad ng bulkang Kanlaon sa isla ng Negros, inanunsyo ng Commission on Elections na itutuloy pa rin ang halalan sa darating na Mayo ngayong taon.
Inihayag ni COMELEC-NIR Assistant Regional Election Director Dindo Maglasang na ito’y batay na rin umano sa pinakahuling abiso ng central office.
Binigyang-diin pa ni Maglasang na makakaapekto sa resulta ng national level ang pagpapaliban sa halalan at magdudulot ito ng pagkaantala sa proklamasyon ng mga national positions.
Aniya, kung sakaling itaas ang alert level status ng bulkang Kanlaon, itutuloy pa rin umano nila ang halalan sa mga evacuation center man o sa pinakamalapit na lugar na maginhawa para sa mga botante.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa alert level 3 ang status ng bulkang Kanlaon.
Naghahanda na rin ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), mga local government units at iba pang ahensya sa posibleng pag-escalate pa nito dahil sa tumaas na magmatic activities ng naturang bulkan.