Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na iimbestigahan ang mga sumbong na kanilang natanggap ukol sa mga kandidatong lumabag sa pangangampanya kahit mahal na araw.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, lahat ng sumbong ay sinasala ng kanilang mga tauhan para sa berepikasyon at kung anong maaaring maging aksyon.
Matatandaang nagpatupad ng dalawang araw na “ban” para sa anumang uri ng kampanya ang poll body para sa Huwebes at Biyernes Santo.
Giit ng komisyon, malinaw na nakatala ito sa Comelec Resolution 10488, kaya imposibleng hindi alam ng mga politiko na labag sa batas ang nasabing mga aktibidad.
Ilan sa mga sumbong ay idinaan sa social media accounts ng poll body, kung saan may ilang kandidato raw na naobserbahan sa mga public events at may ibang patuloy na gumamit ng electronic ads sa matataong lugar, lalo na sa Metro Manila.
Nitong Sabado de Gloria (Black Saturday), maagang namang naglibot ang mga sasakyan ng mga kandidato para sa pagpapatuloy ng kanilang pangangampanya.
Idaraos ang midterm elections sa Mayo 13, 2019 o 23 araw na lang mula ngayon.