-- Advertisements --
James Jimenez Comelec Spokesperson
COMELEC spox

Ipinagmalaki ng Commission on Elections (Comelec) ang mataas na bilang ng mga nagparehistro sa ikalawang linggo mula ng muling buksan nila ang voters registration ngayong buwan.

Sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez, mayroon ng kabuuang 269,087 ang nagparehistro sa buong bansa mula ng simulan ito noong Agosto 1.

Sa nasabing bilang ay 159,126 ang mga bagong aplikante habang 36,649 naman ay mga aplikante na may edad mula 15-17 at 122,477 ay mga may edad 18 pataas.

Pinakamaraming nagpatala ay mula sa Region IV-A na mayroong 43,777 habang sa Region I ang may pinakamaraming bilang ng sangguniang kabataan (SK) registrants na may 5,880 na aplikante.

Nananatili pa ring mas mataas ang bilang ng mga kababaihan na nagpatala na mayroong 144,202 kumpara sa kalalakihan na mayroong 124,885.

Binuksan ang voters registration para sa SK at barangay election na magaganap sa darating na Mayo 11, 2020 ito ay sa kabila na isinusulong ng ilang mga mambabatas na ipagpaliban ito.