Hindi tuloy ang proklamasyon ng mga nanalong senador at partylist groups mamayang gabi.
Ito ang kinumpirma mismo ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez sa ipinatawag na press conference nitong tanghali.
Kasabay nito, humingi ng paumanhin ang Comelec dahil sa ilang beses nang naipagpaliban ang proklamasyon.
Dahil dito, hindi na muna nagbigay ang Comelec ng eksaktong petsa kung kailan talaga ang proklamasyon.
Idinahilan ng Comelec ang pag-postpone sa proclamation ang hindi pa nakakarating na mga certificate of canvass (CoCs) mula Washington D.C. sa Estados Unidos.
Nasa 228,472 CoCs mula sa nasabing lugar ang nakatakdang bilangin ng board at inaasahang maipapadala electronically ang resulta ng bilangan doon dakong alas-8:00 mamayang gabi.
Sa ngayon ang CoCs lamang mula sa Kingdom of Saudi Arabia ang binibilang ng National Board of Canvassers (NBOC).
Isa-isa na rin umanong inaabisuhan ng Comelec ang mga nanalong senador hinggil sa pagkakaudlot ng kanilang proklamasyon mamayang gabi.