CAUAYAN CITY – May paalala ang Commission on Election (COMELEC) Isabela sa mga nagnanais na tumakbo para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa buwan ng Oktubre kaugnay sa nalalapit na filing of candidacy.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Manuel Castillo, Provincial Election Supervisor ng COMELEC Isabela na pinaghahandaan na nila ang paghahain ng kandidatura ng mga gustong kumandidato sa darating na halalan sa barangay.
Puspusan na ang information campaign ng mga election officers sa kanilang mga nasasakupan.
Aniya, magsisimula ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa August 28 hanggang September 2.
Dahil dito hinikayat niya ang mga nagnanais na tumakbo na ngayon palang ay kumuha na ng form sa mga tanggapan ng COMELEC o di kaya ay idownload sa kanilang website para maayos na ito sa mismong araw ng paghahain ng COC.
Tiyakin aniya na kumpleto ang mga requirements para madali na lamang tulad ng mayroon ng picture ang COC, may notaryo at may pirma.
Pinayuhan din ni Atty. Castillo ang mga kakandidato na ngayon palang ay kumuha na ng voters certification para matiyak na sila ay registered voters.
Kung mag-aatas naman ng maghahain ng COC ay dapat notaryado ang authorization para tanggapin sa COMELEC.
Tiniyak naman niya na nakahanda sila sakaling biglaang magdagsaan ang mga maghahain ng kandidatura.
Samantala, kapag natapos na ang filing of COC ay pwede pa rin ang substitution kapag namatay ang naghain ng kandidatura at dapat sa kanyang form ay nakalagay kung sino ang magsasubstitute pero dapat ang papalit ay ang kanyang asawa.
Paalala ni Atty. Castillo na kapag nakapaghain na ng kandidatura ay hindi na pwedeng mangampanya at pwede lamang mangampanya sa itinakdang araw mula sa October 19-28.