-- Advertisements --

Agad sinimulan ng comelec ang pagsasa-ayos ng sistema sa kanilang warehouse upang muling buksan ang poll preparations para sa observers mula sa iba’t-ibang panig.

Una rito, Nilinaw ng komisyon na pansamantala lamang ang hindi nila pagpapapasok ng mga witness sa kanilang warehouse sa STA. Rosa, Laguna para mag-obserba sa pag-iimprenta ng mga balota.

Pina-iral lang umano ang paghihigpit dahil sa health protocols, kasabay ng covid surge.

Matatandaang binatikos ng ilang election watchdog at mga mambabatas ang anila’y kawalan ng transparency sa pag-iimprenta ng mga balota at pagsasaayos ng Secure Digital (SD) cards na gagamitin sa halalan sa Mayo 9, 2022.

Paliwanag ni COMELEC Printing Committee Vice Chairperson Helen Aguila-Flores sa pagdinig ng Senado, naghhigpit din sila para sa kapakanan ng kanilang mga tauhan na inilalayo sa posibleng hawaan ng sakit.

Gayunman, ibinunyag niya na 66.4% na ng mahigit 65.7 milyong mga balota ang naimprenta at 42% nito ang naipadala na para sa packing at shipping, bagay na hindi naobserbahan ng sinumang witness.

Ikinokonsidera naman ng poll body na sundin ang payo ng mga senador, kasama na ang pagkakaroon ng live streaming, lalo na sa mahahalagang aktibidad.