VIGAN CITY – Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na naipaliwanag umano nila nang mabuti ang buong konsepto ng “meet-me-room†bago pa ang ginanap na midterm elections noong Lunes, May 13.
Ito ay matapos sabihin ng isang election lawyer na mayroon umanong “meet-me-room†na ginamit bago ipinadala sa transparency server ng Comelec ang mga election results na mula sa iba’t ibang presinto sa buong bansa kaya nagkaroon ng halos pitong oras na delay sa pag-display ng mga resulta ng botohan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na ang mga kinatawan ng political parties at local source code reviewers ang mismong nagsabi na secured ang ginawang sistema.
Kung maaalala, nagkaroon ng iba’t ibang ispekulasyon mula sa mga election lawyers at analysts sa bansa ang delayed na pagpapadala ng election data sa transparency server ng Comelec na siyang naging basehan ng halos lahat ng media entities sa resulta ng naganap na botohan noong Lunes.
Samantala, hindi masigurado ni Jimenez kung dapat na maipagpaliban muna ang proklamasyon ng mga kandidatong nanalo sa national level dahil sa iba’t ibang isyu na umuusbong pagkatapos ng eleksyon.