-- Advertisements --

Ipinahayag ni Commission on Elections Chairman (COMELEC) George Erwin Garcia na itinuturing pa rin nila na fake news ang kumakalat na vote-buying umano sa Hong Kong. Aniya, sa ngayon ay wala pa ring lumalapit sa kanila upang magpatunay na may nangyaring vote-buying. Kahit ang kanilang konsulada sa naturang bansa ay kasalukuyan na wala pa ring pahayag.

Kaugnay pa nito, nagpaalala si COMELEC Chairman Garcia na huwag agad basta-basta maniwala sa mga kumakalat sa social media hangga’t wala pang patunay. Pagtitiyak niya naman na kung mayroong matanggap na malakas na ebidensy ang komisyon, agad nila itong iimbestigahan at aaksyunan.

Samantala, ipinaliwanag din ni COMELEC Chairman Garcia na kung sakali man na ito ay mapatunayan o kung may kaso ng vote-buying na nangyari sa labas ng bansa, pagdating sa criminal case, wala ng hurisdiksyon ang poll body dito ngunit paglilinaw niya na kung ang nag-commit nito ay kandidato sa ating bansa ay maaari pa rin nila ito patawan ng disqualification case administratively.