-- Advertisements --

Kinumpirma ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na kasalukuyan ng may tinitignan ang poll body at Philippine National Police (PNP) na apat na person of interest sa pagpatay sa election officer ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao Del Norte na si Atty. Maceda Abo at ang kanyang asawa.

Ayon kay COMELEC Chairman Garcia, minamatyagan na ng Philippine National Police (PNP) ang bawat kilos at may lead na sila sa impormasyon ng apat na taong ito. Dagdag pa niya, malaking posibilidad na ang pagpatay sa kanila ay dahil sa politikal na motibo na may kinalaman sa kanyang posisyon bilang election officer ng lugar. Patuloy pa rin itong sinusundan ng komisyon kung ano pa ang maaaring rason.

Kaugnay nito, nagdagdag na rin ang poll body ng presensya ng Armed Force of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga critical areas. Dinamihan na rin ang mga itinalagang COMELEC checkpoints.

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay tinambangan si Atty. Maceda Abo, isang election officer ng COMELEC, kasama ang kanyang asawa. Sila ay pinagbabaril sa loob mismo ng kanilang sasakyan.