Posible umanong magtakda na bukas si Commission on Elections (Comelec) Chairman Sherif Abas ng schedule para talakayin ng en banc ang pagpapalawig pa sa voter registration.
Kasunod na rin ito ng banta ng Senado na tatapyasan ang budget ng Comelec kapag hindi pinagbigyan ang kahilingan ng mga mambabatas na magkaroon ng extension sa voter registration bunsod ng mga hard lockdown na ipinatupad ng pamahalaan dahil sa pangamba ng pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, dahil mayroon na ring lumabas na resolusyon mula sa Senado ay hindi na nila ito puwedeng balewalain.
Maliban dito nakasasalay din umano sa desisyon ng Senado kung bibigyan sila ng sapat na pondo o hindi.
Pero iginiit pa rin nitong nagdesisyon ang en banc na wala nang extension sa voter registration para hindi sila magahol sa paghahanda sa 2022 national at local elections.
Partikular na umanong maaapektuhan ang paghahanda sa mga paraphernalia sa isasagawang halalan.
Sa timeline kasi umano ng Comelec, kailangang maisapinal na ang listahan ng mga botante sa buwan ng Disyembre habang ang printing naman ng mga gagamiting balota ang dapat matapos na sa Enero.
Sa ngayon, mayroon na umanong mahigit 62 million ang mga nakapagrehistro para makaboto sa halalan sa susunod na taon.
Patuloy pa rin naman ang paghimok ni Guanzon sa mga botante na i-reactivate ang kanilang voter registration.
Maalalang kahapon nang nagbanta si Senate Minority Leader Franklin Drilon na tatapyasan nila ang budget ng Comelec kung tatanggi ang mga itong palawigin ang registration.
Ipinanukala rin ng senador na magpasa ng one-sentence bill na layong palawigin ang deadline ng voter registration mula September 30, 2021 sa Oktubre 31, 2021.