Pinapayagan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasagawa ng voters registration sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) simula sa Lunes, Setyembre 6.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, inaprubahan Comelec en banc ang pagsasagawa ng voter registration kabilang ang Metro Manila mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon para sa mga lugar na nasa MECQ.
Gayundin ang voter registration sa loob ng mga mall ay papayagan na.
Sa kasalukuyan ang iba pang mga lugar na nananatili sa pinalawig na isang linggong MECQ mula September 1 hanggang 7 ay ang Apayao, Ilocos Norte, Bulacan, Bataan, Cavite, Lucena City, Rizal, Laguna, Aklan, Iloilo Province at Iloilo City, Lapu-lapu City, Cebu City, Mandaue City at Cagayan de Oro City.
Maalala na dating ipinagbawal ang voter registration sa mga lugar na nasa ECQ at MECQ upang maiwasan ang hawaan sa COVID-19 ng mga magpaparehistro.
Ilang mga grupo din gaya ng National Citizen’s Movement for free election (Namfrel) ang nanawagan na payagan ang voter registration period sa mga lugar na naka-lockdown na nakatakdang matapos sa September 30.