Sinabi ni Commission on Elections Chairman (COMELEC) George Erwin Garcia na gagawin lahat ng komisyon para hindi maapektuhan ang darating na halalan sa Mayo 12, sa kabila ng pagpapaliban pansamantala sa pag-iimprenta ng mga balota dahil sa order na nilabas ng Korte Suprema.
Ayon kay COMELEC Chairman Garcia, isa sa mga tinitignan nila para mas mapabilis ang pag-imprenta ng mga balota dahil halos dalawang linggo ang mawawala sa kanilang timeline ay ang paggamit na ng apat na makina ng National Printing Office (NPO).
Matatandaan na dati na itong ipinahayag ni Garcia na naka-standby ang mga makina ng National Printing Office (NPO) kung sakali man na hindi kayanin ng dalawang printer ng komisyon ang pag-imprenta ng mga balota.
Kasalukuyan ng nire-reconfigure ang mga printer ng National Printing Office (NPO) para masuri na parehas na kalidad ng kulay ng ink ang lalabas sa balota at itugma sa bagong Election Management System (EMS) na gagawin.
Samantala, tiniyak din ni COMELEC Chairman Garcia ang publiko na hindi maaapektuhan ang mismong araw ng halalan sa Mayo 12 dahil sa pagpapaliban na ito. Aniya, patuloy na gagawin ng komisyon ang mga iba pang paghahanda na may kinalaman sa halalan.