Matapos ang naging pagbisita sa mismong Miru Systems headquarters sa South Korea, tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia ang kapabilidad ng naturang kumpanya na ideliver ang mga automated counting machines (ACMs) sa takdang panahon.
Ang Miru Systems ang napiling maging system provider para sa 2025 midterm elections kung saan isusuply nito ang hanggang 110,000 na ACM na magagamit para sa botohan.
Ayon kay Garcia, napatunayan ng COMELEC na ang Miru ay isang manufacturing company ng mga ACM dahil ipinakita umano ng kumpanya ang lahat ng mga makina na kanilang ginawa at ginamit para sa ibang mga bansa.
Nakita rin umano ng COMELEC ang kahandaan ng Miru na ideliver ang 110 na makinang kakailanganin sa nalalapit na halalan dahil na rin sa mahigpit na pagsunod nito sa itinatakdang timeline
Una nang sinabi noon ni Miru Systems CEO Mr. Jin-Bok Chung na ang pag-imbita sa mga opisyal ng COMELEC ay upang mawala ang anumang pagdududa sa kakayahan ng kumpanya na gawin ang mga makina.
Nais din aniya ng kumpanya na maging bukas at transparent mula sa umpisa, at walang itinatago sa publiko.
Ayon kay Garcia, kuntento at nasiyahan siya sa kanilang nakita.
Hindi rin aniya nagkamali ang komisyon sa pagpili sa Miru para sa susunod na halalan.
Nakasama ni Chairman Garcia sa kanyang pagbisista sa S.Korea sina Commissioner Nelson Celis, Commissioner Aimee Ferolino, at iba pang stakeholders mula sa Pilipinas.