Lumagda na ang Commission on Elections (Comelec) sa isang kasunduan sa joint venture ng SMS Global Technologies Inc. at Sequent Tech Inc. para sa kauna-unahang online voting and counting system (OVCS) para sa mga Filipino overseas voters.
Ang joint venture ang may pinakamababang bid para sa pagkuha ng OVCS mula sa apat na bidder para sa 2025 midterm elections.
Ayon sa Comelec, nasa P112 milyon lamang ang kanilang bid, na mas mababa sa inilaan na pondo na P465.8 milyon para sa OVCS procurement.
Binigyang diin naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na mahihikayat sa online voting ang mas maraming Pilipino na gamitin ang kanilang karapatang bumoto.
Ngunit inamin din ni Garcia na hanggang ngayon ay hindi pa nakakapagrehistro ang ilang mga Pilipino sa ibang bansa para sa darating na halalan, pangunahin na dahil sa malayong distansya ng mga embahada ng Pilipinas sa kani-kanilang mga tirahan at kanilang trabaho.
Sa kabila nito, tiniyak ni Garcia sa publiko ang seguridad at pagiging maaasahan ng OVCS.
Samantala, kasunod ng contract signing, ipinakita ng Chief Technology Officer ng Sequent Tech Inc. na si Eduardo Robles kung paano makakaboto ang mga overseas Filipino gamit ang portal.
Una, dapat irehistro ng botante ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangunahing impormasyon tulad ng email address, password, pangalan, numero ng telepono, at identification card sa portal.
Kapag nakarehistro na, ang mga botante ay maaari ng pumili ng kanilang mga gustonng iboto na kandidato.