Maaaring i-diskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping mula sa 2025 elections ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra.
Ani Guevarra, maaaring maghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) si Guo subalit maaaring madiskuwalipika ng Comelec dahil sa misrepresentation at hindi isama ang kanyang pangalan sa balota para sa May 2025 elections, maliban na lamang kung ang Comelec ay pinigilan ng korte.
Sinabi rin niya na maaaring maharap si Guo sa mga kasong perjury sakaling mapatunayang nagsinungaling siya sa ilalim ng panunumpa habang naghahain ng kanyang Certificate of Candidacy.
Ginawa ng SG ang pahayag matapos kumpirmahin ng legal counsel ni Guo na si Atty. Stephen David na muli siyang tatakbo bilang Alklade ng Bamban, Tarlac.
Samantala, una naman ng ipinaliwanag ni Comelec Chairman George Garcia na may ministerial duty ang Comelec na tanggapin ang COC ni Guo sakaling ituloy niya ang kaniyang planong maghain ng kaniyang kandidatura.
Subalit dahil may utos ang Ombudsman na habambuhay na diskwalipikasyon kay Guo mula sa paghawak ng posisyon sa gobyerno, sinabi ni Garcia na maaaring awtomatikong pigilan siya ng komisyon sa pagsali sa mayoralty race.
Bagama’t hindi pa pinal ang naturang desisyon ng Ombudsman, iginiit ni Garcia na ang desisyon ay “immediately executory,” kaya obligado ang Comelec na kanselahin ang COC ni Guo.
Sa kasalukuyan, nahaharap si Guo sa patung-patong na kasong graft, qualified human trafficking, money laundering, at tax evasion. Iniimbestigahan din siya ng Kongreso dahil sa umano’y pagkakaugnay niya sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators hub sa Bamban, Tarlac.