BACOLOD CITY – Magiging mabusisi na ang Commission on Elections (Comelec) sa pag-usisa sa motion for reconsideration na inihain ng dinisqualify na representative ng Duterte Youth Partylist na si Ronald Cardema.
Ito ay ayon kay Commissioner Rowena Guanzon matapos siyang akusahan humingi raw ng P2 million para sa accreditation ng partylist noong nakaraang May 2019 elections.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Bacolod, sinabi ni Guanzon na hindi naman basta-basta na akusahan na lamang ni Cardema ng kurapsyon ang Comelec at ang commissioner nito kung kaya’t magiging mabusisi sila sa paghawak sa MR na inihain ng dating chairman ng National Youth Commission matapos itong magsinungaling sa kayang edad.
Pinanindigan ni Guanzon na walang katotohanan ang mga paratang ni Cardema na humingi siya ng bribe money dahil mas mayaman siya rito.
Kung tutuusin ayon kay Guanzon, Grade 1 pa lamang siya noon ay nakasakay na siya ng Mercedes Benz at board member na ang kanyang ina samantalang haciendero naman ang kanyang ama sa Negros Occidental.