-- Advertisements --

Muring susuriin at ipanunukala ng Commission on Elections (Comelec) ang mga pag-amyenda sa mga alituntunin na namamahala sa mga nuisance candidates, gayundin ang substitution, at withdrawal ng mga kandidato na ang ilan ay diumano’y umaabuso na.

Sinabi ni Commissioner George Garcia na isa ito sa mga bagay na dapat nang matapos pagkatapos mismo ng araw ng eleksyon at sa ngayon daw ay pinag-iisipan na nila ang pagsasagawa ng mga improvement sa nasabing batas para ito sa magiging eleksyon sa hinaharap.

Sa oras aniya na matapos nila ang review na ito at makagawa ng rekomendasyon sa mga patakaran bago ito i-sumite sa Kongreso na siya namang may kapangyarihan na magpasa ng mga bagong batas at magsagawa ng pagbabago sa mga kasalukuyang batas.

Kabilang sa mga panukalang batas sa substitution at withdrawal ng mga kandidatong nakabinbin sa Senado ay ang Senate Bill 2461 na iminungkahi ni Sen. Leila de Lima noong nakaraang taon.

Ito ay naglalayon na magpataw ng mga limitasyon sa batas sa pagpapalit ng mga kandidato upang maiwasan ang pang-aabuso nito.