May ilang konsiderasyon ang Commission on Elections (Comelec) na kanilang ipapatupad sa pagtatapos ngayong araw ng paghahain ng certificate of candidacy.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na papayagan pa rin na makapaghain ang mga kandidato na nakarating sa iba’t-ibang Comelec office kapag sumapit na ang 4:45 ng hapon.
Ililista umano ng mga receiving officers ang kanilang pangalan bago tuluyang isara ang paghahain ng kandidatura.
Sa pila pa lamang ay dito titignan ng mga nakatalagang officers kung kumpleto ang mga papeles na dala ng mga kandidato.
Nagbigay din si Jimenez ng mga listahan na karamihan ay nakakaligtaan ng mga maghahain ng kanilang kandidatura gaya ng walang nakalagay ng documentary stamp, walang pirma ng mga aspirant, hindi napa-notaryo ang dokumento, hindi kumpletong address, walang larawan at hindi kumpletong napunan ang COC.
Tatawagan isa-isa ang mga nakapila at kung hindi makarating ay agad nila itong tatanggalin.