VIGAN CITY – Hindi raw muna aaksyunan ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga namo-monitor nilang mga kandidato na labis ang paggastos sa kanilang mga campaign advertisement sa social media o sa internet.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na saka lamang ito pagtutuunan ng pansin pagkatapos ng May 13 midterm elections.
Ibig sabihin, hahayaan muna umano ng Comelec ang mga kandidato na gawin ang kung ano ang gusto nilang pamamaraan ng pangangampanya gamit ang internet.
Ayon kay Jimenez, hindi umano nila trabaho na minu-minutong paalalahanan ang mga kandidato sa kung ano ang kanilang dapat gawin dahil alam naman umano nila ang mali sa tama.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na patuloy pa rin ang kanilang monitoring sa mga kandidato, lalo na ngayong sabay na nangangampanya ang mga local at national candidates.
Pinaalalahan din nito ang mga botante na ireport sa kanilang tanggapan kung ano ang mga iregularidad sa pangangampanya ng mga kandidato nang sa gayon ay maidagdag nila ang mga ito sa kanilang mga ebidensiya laban sa kanila kapag dumating na ang takdang oras.