-- Advertisements --

Muling hinikayat ng Commission on Elections (Comelec) ng publiko na makibahagi sa final testing at sealing ng mga vote counting machines (VCM).

Ito ay bilang hakbang ng Komisyon para mapatunayan ang katiyakan ng transparency at masiguro na handa na ang mga VCM para sa Halalan 2022 sa darating na Mayo 9.

Sa isang pahayag ay nanawagan si Comelec Commissioner George Garcia sa lahat ng political parties at publiko na dumalo ang mga ito sa nasabing final testing at sealing ng mga VCM na gaganapin mula Mayo 2 hanggang Mayo 7 sa mga voting precinsts sa buong bansa.

Paliwanag ni Garcia, ang mga naturang makina ay mag i-imprenta ng “zero” sa pagbukas ng mga ito na nangangahulugan na walang laman na kahit anong datos ang mga ito.

Aniya, maaaring mag-undervote, overvote, at mag-shade ng mali sa mga balota ang mga makikibahagi sa isasagawang final sealing at testing sa mga VCM.

Samantala, noong Abril 2, araw ng Sabado ay nagsimula na rin ang Comelec na mamahagi ng mga VCMs, laptop, transmission devices sa iba’t-ibang mga lalawigan sa bansa.

Nakatakda namang sumailalim sa verification process ang nasa kabuuang 67.4 million na official ballots na na-imprenta na ng poll body na gagamitin para sa darating na eleksyon.