VIGAN CITY – Nais umano ng Commission on Elections (Comelec) na pag-aralan ng mga mambabatas sa darating na 18th Congress ang party-list system sa bansa.
Ito ay dahil sa mga isyung nagsulputan hinggil sa mga party-list groups nitong katatapos na midterm elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na naniniwala sila na panahon na umano upang maipaliwanag ang ilan sa mga probisyon ng Party-List System Act sa bansa na nagbibigay ng kalituhan sa publiko.
Ilan umano sa mga kailangang ipaliwanag o liwanagin ng mga mambabatas ay kung para saan talaga ang party-list group na bibigyan ng upuan sa Kamara, partikular na kung ito ba ay bukas sa lahat ng grupo o tanging mga kinatawan lamang ng marginalized sector.
Kasama na rin sa mga gustong maipaliwanag umano ng Comelec ay ang sistema ng pagbibigay ng upuan o puwesto sa mga mananalong party-list sa mga halalan at ang proseso ng pagpili sa mga nominee na posibleng kumatawan sa isang partikular na party-list.
Maaalalang nagkaroon ng ilang isyu hinggil sa party-list sa bansa dahil sa pagsali ng Duterte Youth partylist na sabi ng ilan ay hindi naman miyembro ng marginalized sector ang kanilang ipinaglalaban o itinataguyod at ang pagpapahintulot sa dating National Youth Commission chairperson na si Ronald Cardema na maging nominee ng nasabing party-list kapalit ng kaniyang asawa kahit na ang edad nito ay lagpas na sa edad ng isang kabataan.