Muling pinalawig ng Commission on Elections ang deadline para sa tugon ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo para magsumite ng kaniyang counter-affidavit para sa misrepresentation case na inihain laban sa kaniya.
Ito ay kasunod ng hirit ng dating alkalde na palawigin pa ito sa ikalawang pagkakataon sa pamamagitan ng ipinadalang sulat ng kampo ni Guo.
Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, binigyan pa ng Law department ng komisyon ng 10 araw o hanggang sa Setyembre 12 na palugit si Guo na makapaghain ng kaniyang counter-affidavit.
Paliwanag pa ng poll body chief na kapag iginiit sa respondent na agad maghain ng counter-affidavit baka maakusahan sila ng paglabag sa karapatan ni Guo para sa due process dahil kamakailan lamang ito naaresto matapos ang ilang linggong pagtatago sa mga awtoridad at pumuslit palabas ng bansa.
Sinabi pa ni Garcia na ang ibinigay na 10 araw na grace period ay base sa calendar days maliban na lamang sa araw ng Sabado at Linggo.
Sakali man aniya na magkaroon na ng rekomendasyon ang Law department sa Setyembre 12, tiniyak ni Garcia sa publiko na magkakaroon na ng desisyon ang Comelec en banc bago mag-Setyembre 20 para sa misrepresenation case ni Guo.