image 208

Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) laban sa mga nagpaparehistro ng doble na sasampahan ng kasong election offense kapag makitaan na may probable cause.

Kabilang na dito ayon kay Comelec spokesperson Rex Laudiangco ang mga nanadya na nagpapatala sa kabilang voting registration areas, iba ang pangalan at iniiba ng bahagya ang itsura subalit pareho lamang ang fingerprint.

Giit ng opisyal na ang mga indibdiwal na mapapatunayang guilty sa election offense ay maaaring maharap sa anim na taong pagkakakulong, multa, habambuhay na diskwalipikasyon mula sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno at matatanggalan ng karapatang bumoto at tumakbo sa anumang public office.

Sa isinagawang sesyon ng Comelec en banc kahapon, inatasan na ng poll body ang Special Election Registration Boards (SERBs) para tanggalin ang mahigit 400,000 double o multiple registrants na natukoy sa pamamagitan ng Automated Fingerprint Identification System (AFIS).

Magsasagawa din ang naturang Board ng mga pagdinig sa buwan ng Hunyo para matiyak na wala ng double registrants gayundin para masiguro na natanggal na ang mga botanteng lumipat na mula sa listahan ng mga botante mula sa kanilang dating voting precincts.

Maliban dito magsasagawa din ng pagdinig ang Board sa buwan ng Hulyo para sa ikalawang pagbusisi sa opisyal na listahan ng mga botante para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong taon.

Base sa data ng Comelec, umaabot na sa 91,912,429 botante ang nakapagparehistro na para sa 2023 BSKE.