-- Advertisements --

Nagbigay babala ang Commission on Elections (COMELEC) na aaksyunan nila agad ang sino mang mapapatunayan na nagnakaw ng mga gawa ng isang artist upang gamitin sa kanilang campaign jingle. Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia ang partnership ng komisyon at Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPhil) ang magbabantay sa intellectual rights ng mga artist ngayong panahon ng pangangampanya.

Dagdag pa ni COMELEC Chairman Garcia, respetuhin ang sariling mga gawa ng Filipino artist at huwag ito basta-bastang nakawin.

Kaugnay nito, hinimok ni COMELEC Chairman Garcia ang mga artist na mag-file ng reklamo sa kanilang tangggapan kung nakaranas ng ganito at agaran itong iimbestigahan ng komisyon at papatawan ng karampatang kaso ang kandidato.

Ayon sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPhil), ang mga kandidato na gumagamit ng copyrighted songs na walang permiso mula sa artist ay maaaring humarap sa kasong Republic Act No. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines.

Kamakailan lamang ang artist na si Omar Harry Manzano o mas kilala bilang ‘Omar Baliw’ ay nag-file ng complaint laban sa isang senatorial candidate na gumamit ng kanyang kanta bilang campaign jingle na walang permiso mula sa kanya. Samantala, ang bandang Lola Amour naman ay nagpahayag sa kanilang social media na may mga gumagamit ng kanilang kanta na wala ring pahintulot mula sa kanila.