VIGAN CITY – Nagbalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidatong hanggang sa ngayon ay hindi pa umano nagpapasa ng kanilang official website at social media links ngunit marami na ang lumalabas na mga campaign advertisement sa internet.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na maaari umanong maging sanhi ng election offense ng isang kandidato ang hindi nito pagpapapasa ng kaniyang opisyal na official website at social media link.
Inihalimbawa nito na kung mayroong isang website link ang isang kandidato na nagpalabas ng isang campaign advertisement at napatunayang may nilabag ito base sa Comelec resolution na may kaugnayan sa pangangampanya gamit ang internet, maaapektuhan nito ang rekord ng kandidato lalo na kung hindi naman umapela ang concern candidate.
Aniya, kung mayroong lumabas na violative campaign advertisement sa internet ngunit galing ito sa isang bogus na website, maaari umanong mapawalang-sala ang kandidatong pinangalanan dito.
Nauna nang sinabi nga opisyal na base sa kanilang rekord ay mas maraming mga local candidates sa darating na May 13 midterm elections ang nakapagpasa na ng link ng kani-kanilang official website at social media site.