VIGAN CITY – Inaasahan na umano ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sanang isagawa sa susunod na taon ngunit ipinapanukala ng ilang mambabatas na isagawa ito sa taong 2022.
Ito ay pagkatapos na maaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa senado ang Senate Bill 1043 para sa postponement ng halalan sa Dec. 5, 2022.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na dahil inaasahan na nila ang posibleng pagpapaliban sa nasabing halalan, dahan-dahan na lamang umano ang kanilang isinasagawang paghahanda.
Aniya, pinag-iisipan na rin umano ng poll body na magbukas ng panibagong voter registration para sa mga botanteng hindi pa nakakapagparehistro para sa barangay at national elections.
Kaugnay nito, umaapela na ang tagapagsalita ng Comelec na kung magbubukas na sila ng panibagong voter registration ay kaagad nang magparehistro ang mga botante at huwag nang hintayin pa ang huling araw kung saan mahaba na ang pila at maaaring hindi na sila makapagparehistro pa.