VIGAN CITY – Nakahanda na umano ang isang grupo ng Commission on Election (Comelec) na pinangungunahan ni Comelec spokesman James Jimenez na sugpuin ang mga posibleng kumalat na mga “fake news†sa social media kasabay nang pagsisimula ng overseas voting nitong April 13, sa ilang panig ng mundo.
Ito ay kasabay din sa todong paghahanda ng Comelec sa aktwal na halalan sa darating na May 13 na isasagawa sa bansa.
Sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni Jimenez na nagsanay umano ang kaniyang grupo upang kaagad na makapagresponde sa mga posibleng lumaganap na fake news hinggil sa midterm election ngayong taon.
Aniya, pinag-aralan umano nila kung ano ang pinaka-epektibong solusyon upang masugpo ang mga nasabing klase ng balita na kakalat sa internet, lalo na sa mga social networking sites.
Ayon sa nasabing opisyal, mayroon na umano silang mga naisip na paraan upang kaagad na matanggal sa internet ang mga fake news na may kaugnayan sa halalan nang sa gayon ay hindi na mabasa pa ng karamihan at pagsimulan pa ng iba’t ibang ispekulasyon hinggil sa magiging resulta ng midterm election.
Una nang sinabi nito na isa umano sa mga fake news na inaasahan nilang lalabas sa pagsisimula ng overseas voting ay ang video ng mga botante na nagsasalita sa kanilang local dialect kung saan sinasabi nila na hindi tama ang lumabas sa kanilang resibo na mahigpit naman nitong kinondena at pinasinungalingan.