Naghain na ang Commission on Elections (Comelec) ng material misprepresentation complaint laban sa sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo sa Tarlac Regional Trial Court ngayong araw ng Martes, Oktubre 29.
Inakusahan ng Comelec si Guo sa paglabag sa Section 74 ng Omnibus Election Code may kaugnayan sa Material Misrepresentation.
Una ng sinabi ni Comelec Chairman George Garcia noong nakalipas na linggo na maghahain ang poll body ng impormasyon matapos mabigo ang kampo ni Guo na maghain ng motion for reconsideration sa kasong kinakaharap niya sa komisyon.
Nag-ugat ang akusasyon kay Guo matapos matuklasan sa kaniyang inihaing certificate of candidacy noong 2022 elections na nagsinungaling siya nang ilagay nitong Pilipino siya subalit nabulgar kalaunan sa mga pagdinig sa Senado na isa siyang Chinese makaraang tumugma ang kaniyang fingerprint sa Chinese passport holder na si Guo Hua Ping.