-- Advertisements --

Naglabas ng “protocols” ang Comelec para sa replacement ng mga posibleng masisirang Secure Digital (SD) cards na gagamitin sa mga vote counting machines (VCMs) sa nalalapit na halalan.

Sa ilalim ng Resolution No. 10534, sinabi ng Comelec na magkakaroon ng technical hubs sa bawat rehiyon sa bansa na siyang tutulong sa Department of Information and Communications Technology at Department of Science and Technology.

Ang dalawang ahensyang ito ang siyang magtatalaga ng mga taong bubuo sa mga regional technical hubs para magpatupad ng contigency measures sakaling magkaroon ng problema o maging depektibo ang SD cards na gagamitin sa VCMs na maglalaman naman ng encrypted image ng mga balota.

Iginiit ng poll body na kanilang binuo ang protocols na ito sapagkat may posibilidad daw na masira ang main at backup SD cards.

Sinabi ng Comelec na hindi gagana ang mga VCMs kapag walang SD cards kaya maganda raw na magkaroon sila ng mga protocols upang sa gayon ay magabayan din ang mga concerned personnel sa kung ano dapat ang gawin kapag magkaroon ng aberya.