VIGAN CITY – Ipinaalala ng Commission on Elections (Comelec) sa publiko na dalawang araw na lamang ang natitira para sa voter registration sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ito ay sa kabila ng pagpupursige ng ilang mambabatas na muling maipagpaliban ang nasabing halalan sa susunod na taon at isagawa na lamang ito sa 2022.
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni Comelec spokesman James Jimenez, sinabi nito na bukas, September 28, umano ang huling Sabado ng pagsasagawa ng voter registration samantalang sa September 30 naman ang huling araw para sa pagpaparehistro.
Naniniwala si Jimenez na dahil dalawang araw na lamang ang natitira para sa voter registration, tiyak na dagsa na umano bukas o sa Lunes ang mga magpaparehistro.
Ngunit, tiniyak naman ng opisyal na nakahanda ang kanilang mga kasamahan sa nasabing sitwasyon.
Samantala, tiniyak pa ng opisyal na mayroong nakalaang express lane para sa mga persons of disabilities, senior citizen at buntis na mga aplikante kaya wala umano silang dapat na ipag-alala kahit na magdadagsaan bukas o sa Lunes ang mga kapuwa nila magpaparehistro.
Base sa huling tala ng poll body noong September 21, aabot na sa 2.6 milyon ang kabuuang bilang ng mga nagparehistro sa kanilang nga field offices.