VIGAN CITY – Nagpaliwanag ang Commission on Election (Comelec) hinggil sa pagpapalabas ng listahan ng tanggapan ng mga party-list groups na kasama sa darating na halalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na wala silang magagawa sa reklamo ng ilang grupo na hindi naisama sa listahan dahil nagdesisyon na ang poll body.
Giit nito, binigyan ng Comelec ng panahon ang ibang partido na umapela sa hindi nila pagkakasama sa listahan ng mga party-list groups na kalahok ngunit hindi pa rin umano naikonsidera ang kanilang apela kaya pinal ng hindi sila kasali rito.
Ani Jimenez, made-delay lang ang mga nakasaad sa schedule ng poll body kung patuloy na pagdedebatehan ang isyu ng hindi pagkakasama ng ilang grupo sa pinal na listahan ng mga party-list nominee.
Batay sa inilabas na listahan ng Comelec, aabot sa 134 ang bilang ng mga party-list groups na kabilang sa halalan sa Mayo na isa pang rason kung bakit mahaba ang gagamiting balota ngayong taon.