Tiwala ang Commission on Elections (Comelec) na lalo pang gaganda ang serbisyo ng poll body matapos ang pagtatalaga ng acting chairman at balasahan sa komisyon.
Pormal na kasing itinalaga bilang acting chairman si Commissioner Socorro Inting.
Magsisilbi raw itong chairperson hanggang sa makapagtalaga na ng bagong chairman ang Comelec.
Kasabay nito, nagsagawa rin ang komisyon ng reorganization sa mga miyembro nito sa dalawang dibisyon.
Sa isang statement, sinabini ng Comelec na si Inting ang magpe-preside sa Comelec First Division na pinangunahan dati ni retired Commissioner Rowena Guanzon.
Kasama niya sa naturang dibisyon si Commissioner Aimee Ferolino.
Ang Second Division na dating pinamumunuan ni Inting ay pangungunahan naman ngayon ni Commissioner Marlon Casquejo.
Kasama niya rito ang bagong talagang si Commissioner Rey Bulay.
Sinabi ng poll body na ang mga kasong hindi pa naira-raffle sa anumang dibisyon o ang mga naihain noong Pebrero 9 ay otomatikong maira-raffle sa mga reorganized division.
Sa ngayon inaantay ang gagawing pagtatalaga ng Pangulong Duterte ng dalawang Comelec commissioners at isang chairman.