-- Advertisements --

Inanunsiyo ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na simula ngayong araw ay nag-iimbentaryo na ang kanilang mga tauhan sa National Printing Office (NPO) ng lahat ng mga balotang sisirain dahil hindi na ito magagamit pang muli.

Ayon kay COMELEC Chairman Garcia, sumulat na sila sa Commission on Audit (CoA) patungkol dito at inimbitahan na rin nila ang mga opisyales ng tanggapan, citizens’ arm, at concerned groups para mapanood ang pagsira ng mga balota.

Sa kasalukuyan, wala pang nakatakdang araw ng pagsira ng mga balota dahil ang inuuna sa ngayon ng komisyon ay ma-imbentaryo ang mga ito at mapadala sa warehouse ng poll body sa BiƱan, Laguna para pansamantalang i-secure

Kaugnay pa nito, tiniyak din ni COMELEC Chairman Garcia ang publiko na hinding-hindi magagamit sa ibang pakay ang mga naunang na-imprentang mga balota.

Samantala, ipinahayag din ni COMELEC Chairman Garcia na kasama sa mga sisirain ang nasa 4.6M na mga balota para sa Bangsamoro Parliamentary Elections kahit hindi naman maaapektuhan ang balota nila sa pagbabago ng mga pangalan ng mga kandidato. Pagpapaliwanag niya na ang lahat ng balota ay may serialization at binago rin ang Election Management System (EMS), kaya minarapat na lamang nagback-to-zero ang komisyon para rito.

Ito rin ay pagpapakita sa mga botante, na walang magiging problema sa kanilang mga balota na gagamitin sa halalan.