-- Advertisements --

Itinakda na ng Commission on Elections (Comelec) sa Marso 13, 2021 ang gagawing plebisito para hatiin sa tatlo ang lalawigan ng Palawan.

Ayon kay Provincial Comelec spokesperson Jomel Ordas, aprubado na ng Comelec en bacn noong Disyembre 16 ang Resolution No. 10682 kung saan nakasaad ang revised rules and regulations kaugnay sa pagsasagawa ng Palawan plebiscite.

Natanggap aniya nila ang en banc resolution kahapon, Disyembre 23.

Samantala, sinabi naman ni Winston Arzaga, provincial information officer, welcome para sa kanila ang nasabing development para mabigyan ng pagkakataon ang publiko na magpasya kung nais nilang hatiin ang Palawan sa tatlong mga bagong probinsya.

Ang mga ito ay tatawaging Palawan del Norte, Palawan Oriental, at Palawan del Sur.

Alinsunod sa Republic Act 11259, ang lalawigan ng Palawan del Norte ay bubuuin ng mga bayan ng Coron, Culion, Busuanga, Linacapan, Taytay at El Nido.

Magiging bahagi naman ng Palawan Oriental ang mga bayan naman ng Roxas, Araceli, Dumaran, Cuyo, Agutaya, Magsaysay, Cayancillo, at San Vicente.

Habang ang lalawigan ng Palawan del Sur ay bubuuin ng mga bayan ng Aborlan, Narra, Quezon, Rizal, Espanola, Brooke’s Point, Bataraza, Balacbac at Kalayaan.