VIGAN CITY – Nagtalaga na umano ang Commission on Elections (Comelec) Office for Overseas Voting ng mga local field registration centers para sa mga Pilipinong mangingibang-bansa at aabutan ng May 2022 elections sa bansang kanilang pupuntahan.
Sa mensahe sa Bombo Radyo Vigan ni Comelec Spokesman James Jimenez, sinabi nito na ang mga nasa abroad na Pinoy sa darating na May 2022 elections ay maari na umanong magparehistro sa mga local field registration centers na kanilang itinalaga sa Metro Manila.
Nitong nakaraang linggo nang lumagda ang Comelec, Department of Foreign Affairs, Philippine Overseas Employment Agency, Overseas Workers’ Welfare Administration, Maritime Industry Authority at Commission on Filipinos Overseas ng isang memorandum of agreement hinggil sa pagtatalaga ng mga local field registration centers sa Metro Manila para sa isasagawang overseas voting para sa May 2022 elections.
Kung maaalala, nag-resume ang overseas voter registration para sa nasabing halalan noong December 16, 2019 at magtatapos ito hanggang sa September 30, 2021.