Muling inialook ng Commission on Elections ang pag-donate sa mga lumang Precinct Count Optical Scan (PCOS) at Vote Counting Machines (VCM) units na nagamit sa mga nakalipas na halalan sa bansa.
Batay sa report ng komisyon, ang mga naturang kagamitan ay inaalikabok na habang nasa mga bodega nito. Binubuo ito ng 80,000 PCOS machine at 97,000 VCM machine.
Ayon sa ahensiya, nakahanda ang komisyon na i-donate ang mga lumang makina sa Department of Education (DepEd) at Professional Regulation Commission (PRC).
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, dati na rin siyang nagsagawa ng inspeksyon sa mga naturnag kagamitan at natukoy na nasa maayos pang kalagayan ang mga ito habang naka-imbak sa bodega.
Giit ng kalihim, magbebenepisyo ng malaki ang komisyon kung matatanggal o aalisin na ang mga naturang makinarya mula sa mga bodega nito dahil sa malaking pondo umano ang ginagasta ng komisyon para sa ‘warehousing’ o bayad para sa bodega habang hindi naman nagagamit ng komisyon ang mga ito.
Ang mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine ay unang ipinakilala sa Pilipinas noong 2010 Presidential Elections mula sa Smartmatic.
Muli ding gumamit ng PCOS ang Pilipinas noong 2013 Midterm Elections.
Noong 2016 presidential elections, ipinalit na dito ang mga vote counting machine(VCM). Ang mga ito rin ang ginamit sa mga sumunod na halalan – 2019 midterm at 2022 presidentail elections.