Agad daw kikilos ang Commission on Elections (Comelec) sa napaulat na breach sa seguridad ng Smartmatic, ang systems provider para sa automated election sa buwan ng Mayo.
Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia, hihintayin pa raw ng komisyon ang report ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang isinagawang imbestigasyon sa “infringement” sa Smartmatic.
Mahalaga umanong makakuha sila ng report para malaman kung totoo nga bang mayroong nangyaring breach sa panig ng komisyon.
Pero muli namang iginiit ni Garcia na walang naganap na hacking na kinasasangkutan sa bahagi ng Comelec.
Una rito, iginiit ni Senator Imee Marcos, ang chairperson ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na mayroong naganap na security breach sa operasyon ng Smartmatic.
Sinabi ng senadora na posibleng nakuha raw ng grupo ng mga sindikato ang data ng Smartmatic kabilang na ang personal information, ledgers, larawan ng kanilang opisina at contact persons sa Comelec.